Wednesday, September 28, 2011

Ang Alpha at Omega: Ang Ama at Si Cristo - ang pagkakaiba

Ang isa pang talata na ginagamit ng mga nagtuturong si Cristo ay Dios ay ang nakasulat sa Apocalipsis 1:8 at sa Apocalipsis 1:17. 

Sa Apocalipsis 1:8 ay nakasulat ang ganito: 

"Ako ang Alpha at Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat."

Iniuugnay nila ito sa nakasulat naman sa Apocalipsis 1:17 na ganito ang sinasabi: 

"At nang siya'y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at huli."

Pagkatapos nilang basahin ang dalawang talatang ito ay nagbigay agad sila ng konklusiyon. Sabi nila, ang Ama ay tinawag na alpha at omega at si Cristo'y tinawag ding gayon. Samakatuwid, si Cristo nga ay Dios.


Tama kaya ang kanilang naging kongklusiyon? Mali! Ilalahad natin dito ang paninindigan ng Iglesia Ni Cristo na sinasang-ayunan ng biblia tungkol sa mga talatang nabanggit.


Unang tanong, bakit tinawag ang Dios na Alpha at Omega? Ganito ang nakasulat sa Awit 90:2: 

"Bago mo nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, Mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios."

Ikalawang tanong, bakit naman tinawag si Cristo na Alpha at Omega? Dahil ba sa siya'y wala ring pasimula at walang hanggan? Hindi kami magbibigay ng opinyon gaya ng ginawa ng mga kaibayo namin sa pananampalataya na naririto. Sisipiin lang natin ang mga talatang nasa biblia. Sa Colosas 1:15 ay nakasulat ang dahilan kung bakit sinabing si Cristo'y Alpha: 

"Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay sa ng lahat ng mga nilalang." 

Bakit tinawag si Cristo na Alpha? Sapagkat siya'y panganay ng lahat ng mga nilalang. Saan siya panganay? Sa aktuwal na pagkalikha ba? Sinagot din iyan sa I Pedro 1:20:

"Nasa isip na siya ng Dios bago pa nilalang ang sanglibutan..." 

Samakatuwid, si Cristo'y panganay ng lahat ng mga nilalang sa sentidong siya'y unang pinanukala ng Dios bago pa nilikha ang daigdig.

Bakit naman siya'y tinawag na Omega? Ganito ang nakasulat sa I Tesalonica 4:16: 

"Sapagkat ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw,may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang mga nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli;" 

Samakatuwid, kaya siya tinawag na Omega ay dahil sa papel na gagampanan niya sa Araw ng Paghuhukom na siyang katapusan ng mundo, ang gawaing pagliligtas.

Dito ay napatunayan namin na iba ang pagiging Alpha at Omega ng Panginoong Dios, ang Ama, kaysa sa pagiging Alpha at Omega ni Cristo. Hindi dapat maging batayan ito ng pagtuturong si Cristo ay Dios.

Wednesday, September 21, 2011

Unang Bahagi: Konsepto at Aral ng Trinidad - Dios si Cristo?

Iisa lang ang Dios... Iyan ang katotohanang itinuturo ng biblia, ngunit sa iba't ibang relihiyon at mga taong nagpapakilalang sila'y kristyano ay nakakarinig tayo o kaya ay nababasa natin ang  iba ibang paliwanag ukol dito. Isa-isahin muna natin ang paliwanag nila, unahin natin ang mga naniniwala sa konsepto ng Trinidad - Dios Ama, Dios Anak, Dios Espiritu Santo, tatlong persona sa iisang Dios o di kaya'y mas angkop na tawaging "The three persons in One GodHead". Ilagay muna natin sa ating pag-aaral ang pagka-Dios ni Jesus ayon sa konsepto at aral ng Trinidad.

Isa sa pinakapaborito nilang talata para patunayang Dios si Jesus ay ang Hebreo 1:8-9, na sinasabi... 

Hebreo 1:8-9

"Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian. Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo, Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan." 

Mabilis lang makita ang sagot, at napakalinaw na tinawag ng Ama ang Kaniyang Anak "Oh Dios". Pero teka, sa bawat pagbasa natin ng talata napakahalaga na suriin natin ang nilalaman nito hindi lang dahil sa susunod ito sa paniniwala natin kundi ito ang dapat nating gawin. 

Pansinin ang sinabi ng Dios sa Kaniyang Anak, "Oh Dios". Dito pa lang ay dapat na tayong magsuri, dapat nga bang magkaroon pa ng Dios ang Dios Ama? Kayo na ang sumagot. Sapagkat ang Ama na Siyang nag-iisang tunay na Dios ay walang Dios. Walang tutol sa pagkakasalin ng talata, ang tutol ay sa kung ano ang magiging pagkaunawa "mo" sa nilalaman nito. Kaya ano ang dapat nating gawin, magsuri kung bakit nga ba tinawag ng Dios na "Oh Dios" ang Anak. Ito ba ay tumutukoy sa pagiging Dios ni Jesus o ito ay isang uri ng pagpapakilala sa kapamahalaang binigay sa Kaniya?  

Ang literal na pagkakasalin mula sa griyego ng talatang ating tinatalakay ay ganito sa ingles, "the throne of you the god to the age of the age." Ang manunulat ng Hebreo ay simpleng nagsasabi na si Jesus ay nataas sa trono ng Diyos sa langit at hindi nagtuturo na "ang Cristo ay Dios".  Noong Siya ay iniluklok sa kanan ng trono ng Diyos ibinigay sa Kaniya ang kapangyarihang mataas pa sa mga anghel sa langit. Ito ang mga katunayan...

Gawa 2:36 
 "Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus."

Mateo 28:18
"At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. "
 
1 Pedro 3:22
"Na nasa kanan ng Dios, pagkaakyat niya sa langit; na ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan ang mga kapangyarihan."

Apokalipsis  3:21
"Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan. "

Ngayon napatunayan natin, na hindi talaga itinuturo sa Hebreo 1:8-9 na Dios si Jesus kundi isa itong uri ng pagpapakilala sa kapamahalaan, sa pagkaluklok Niya sa trono ng Dios. Kaya mas mainam na sipiin natin ang pinakamalapit at sa palagay ko ay pinaka-akmang pagkakasalin nito sa isang bersyon ng Biblia.

Hebrews 1:8-9 Moffat
"he says of the Son, 'God is thy throne for ever and ever, thy royal sceptre is the sceptre of equity: thou hast loved justice and hated lawlessness, therefore God, thy God, has consecrated thee with the oil of rejoicing beyond thy comrades' — 

Sa saling iyan, mas lalo nating mauunawaan kung ano ang itinuturo ng manunulat ng Hebreo. Hindi ibig sabihin ng talata na mismong ang Dios ang trono ni Jesus, isa itong uri ng pananalita na kung saan ipinapakilala ang kaluwalhatian o ang kaningningan ng pagkaluklok ni Jesus sa kanan ng luklukan ng Dios. 

Sa mga susunod na bahagi, pag-aaralan naman natin ang iba pa sa mga talatang ginagamit ng mga nagpapakilalang kristyano ukol sa pagka-Dios ni Cristo.